Dalawang linggo. Ang gusto ko lang gawin ay umalis kung may pagkakataon. Lumayo kahit sandali mula sa mga negatibong nakapaligid sa akin. Maski alam kong sa aking pag uwi ay nariyan parin sila. Kahit sandali maalis ko sa aking isipan ang mga problema.
Hindi ko lubusang maisip kung bakit nya nasabi iyon. Maski ba hindi nya harapang sinabi at isang mapapagkatiwalaang tao ang nag paabot sa aking ng balita. Mas paniniwalaan ko ang nagsumbong sa akin. At bakit hindi? Sa aking opinyon, mas tao pa silang nagsabi sa akin dahil alam nila ang katotohanan. Nakakatawa lang talaga. Hindi naman ako agad agad na nagalit dahil alam ko sa isang banda mababanggit nila iyon at gagamiting pang laban sa aking pagkatao.
Ano ba ang pinaguugatan nitong problemang ito? Napakalaki kung aking iisa-isahin pa. Pero sa totoo lang, itong kanyang sinabi ang pinaka naapektuhan ako. Maski ang ibang taong malapit sa akin ay nagalit at sinabing huwag ko na raw kausapin o pansinin sya. Noong una kahit katiting ay may natitira pa akong respeto sa kanya. Pero pagkatapos nyang sabihin iyon laban sa akin ay ayoko na. Tama na siguro yung pinakita kong pagiging tao kung ako’y kanyang kausapin. Sa talikuran lang pala sya magaling. Bakit hindi nya sabihin sa akin ng harapan? Ikaw ba naman ay akusahang hindi mo inaalagaan ang iyong kinalakihang ina dahil hindi mo sya tunay na ina, hindi ka ba masasaktan? Simula nung umalis ang aking Ate patungong Canada, inako ko na ang responsibilidad sa pag aaruga sa aming ina sapagkat ako nalang ang natitirang “anak” na kasama nya sa bahay. Hindi ko maintindihan kung bakit nya nasabi iyon. Sya na hindi naman namin kasama sa bahay ng buong araw. Hindi naman nya nakikita at di naman nya alam kung anong nangyayari. Yun ba ang dahilan nya para sabihin iyon? Dahil hindi nga nya nakikita? Nakakaawa sya. Wala lang syang masabi laban sa akin at sa mga kasambahay namin na matagal nang nagseserbisyo sa aming pamilya. Kung pupunta man sya ay wala na syang bukang bibig kundi reklamo, puna at pagkakagastusan. Bakit hindi sya magkusang loob at sya mismo gumawa ng mga inuutos nya? Bakit hindi sya ang gumastos at ibigay sa kanya ina? Tutal ay anak rin sya. Ewan ko ba. Hindi naman sya ganyan noon. Hindi sya ganyan noong narito pa si Ate. Bakit ngayon lang sya nagbubunganga at nagrereklamo na animo’y nagugulangan sya at mauubusan ng mana. Ayoko man maging marahas sa aking pananalita pero ito ay totoo at aking nararamdaman. Kung totoo ngang hindi ko inaalagaan ang kanilang ina ang makakapagsabi lang nyan ay ang mga tao ditto sa aming bahay at mga taong nakakakita kay Nanay. Kung sya ay pinababayaan dapat hindi ganyan ang kanyang itsura. Ang ilang bagay na nakakaepekto kay Nanay ay hindi ko na saklaw. May mga bagay o taong nakakaapekto sa kanya na hindi ko naman makokontrol at sana alam ng taong iyon ang ginagawa nya sa kanyang ina. Sa bagay na iyan hindi lang ako ang nakakakita o nakakaobserba. Sana lang maliwanagan ang iyong pag-iisip. Kung ano man ang tinuturo sayo ng iyong magaling na “attorney”, lahat yan babalik sa inyo. Mangilabot kayo! Matakot kayo sa karma!
Hindi ako takot sa inyo. Magsumbong man kayo sa lahat ng kamaganak natin at siraan ako. Wala akong pakialam. Hindi ako naghahanap ng kakampi o nagpapaawa sa kanila tulad ng ginagawa nyo. Dahil alam ko merong nakakakita at nakakaalam ng katotohanan at Sya lang ang maaring maghusga sa akin. Gawin nyo na ang lahat ng paraan, plano, binabalak nyo. Gawin nyo ng gawin. Ang mga bagay na nakuha sa mabilisang paraan ay hindi magtatagal. Ang mga mabagay na nakuha sa masamang paraan ay hindi nagbubunga ng mabuti.
Minsan, nalulungkot rin ako. Dahil hindi ko maintindihan kung bakit nauwi sa ganito ang relasyon naming magkakapatid. Nakakapagod. Pero siguro ito’y isang pagsubok. Siguro sa pagdating ng takdang panahon, maayos rin ang lahat. Pero ngayon, hindi muna. Ayoko muna.
Sa ngayon, ang kinukunan ko ng lakas ay ang mga taong naniniwala sa aking kakayahan. Sa mga taong tunay na nagmamahal at nagmamalasakit sa akin, ang mga taong mapapagkatiwalaan ko maski hindi ko sila kadugo.
~~~~
Noong isang gabi, nandito lang kami ni Jet sa bahay. Sandaling nakatulog ako at nagising na nakayakap sya sa akin. Bigla nalang ako naluha dahil sa pagkakataong iyon, naramdaman ko ang kapayapaan, naramdaman ko na parang sinasabi nyang lahat ay maayos rin. Madrama lang akong sadya nitong mga nakakaraang araw. Dala narin siguro ng maraming iniisip na pakiramdam ko’y sasabog na ako. Pag kapiling ko lang sya tsaka lang ako nagiging masaya. At sa mga araw na dapat kami’y magkita doon lang ako nabubuhayan. Nagpapasalamat lang ako dahil nandyan sya para makinig at magbigay ng payo kung kailangan ko. Maski minsan tinotopak na ako. Masaya naman sya dahil natutulungan nya ako kahit papaano. Masaya rin ako dahil kahit anong mangyari nandyan sya at hindi bumibitiw. Hay… sa banding huli, pasalamat narin ako dahil sa lahat ng mga nangyayaring negatibo sa buhay ko may mga bagay parin na nagpapaligaya sa akin. Kahit mga simpleng bagay lang at alam kong may tunay na nagmamahal sa akin.
~~~~
Ilang araw nalang araw na ng mga puso… Sabi nya kami’y mag didinner lang. Gusto daw nya subukan itong isang restaurant na nakita nya sa may Cubao area. Medyo tago syang restaurant. Ika nga liblib at hindi masyadong matao, pero sa tingin nya maganda at romantic daw. Bellini’s Italian Restaurant sa may Marikina Shoe Expo. Gusto ko rin subukan yun. Nabasa at nakita ko sa isang tv show. Matagal tagal narin yata yung restaurant na yun.
~~~~
Hay buhay parang life….
No comments:
Post a Comment