Thursday, August 24, 2006

Ang edad ba importante sa isang relasyon?

Kung ang lalake ay mas matanda sa babae, mas katanggap-tanggap diba? Dahil ito ang nakikita natin sa mga telebisyon, sine at nababasa sa mga libro at naririnig sa mga kwento sa radio. Pero kung pagbaliktarin kaya natin, babae ang mas matanda? Pareho parin ba ang bawat opinion at istorya ng mga tao tungkol dito?

Malimit naming pag-usapan ito ni Jet, dahil gusto kong pag-usapan. Minsan sinasabihan nalang nya ako na tumigil at manahimik nalang dahil wala syang pakealam kung ano man ang agwat ng aming edad. Ako naman, tumitigil nalang dahil ayaw ko siyang magalit sa kakulitan ko. Pero sa totoo lang, gustong gusto kong tanungin sya tungkol sa mga bagay bagay na may kaugnayan sa mga edad naming dalawa.

Mga ilang buwan mula ngayon ay magdiriwang na ako ng aking ika-29 na taon at sa susunod naman na taon ay ika-30 kaarawan ko. Isang bagay na aking kinababahala. Sa kadahilanang matanda na pala ako. Hehehe! Si Jet naman ay nagdiwang ng kanyang ika-23 na kaarawan noon Abril 19. Anim na taon. Anim na taong agwat mula sa kanya. Isang bagay na minsa’y aking pinagtatawanan at minsa’y hindi pinapansin. Pero sa totoo lang sa likod ng aking pag-iisip ay kinatatakot kong dumating ang araw na kung saan maging malaking problema sa aming dalawa ang pagiging matanda ko sa kanya.

Tulad nalamang kung sya ay magtratrabaho na at makakasalamuha ng iba’t-ibang tao. Pano kung dumating isang araw na makakilala sya ng isang babaeng mas bata o kasing edad nya at mas kaakit-akit kaysa sa akin? Pano naman ang aking kagandahan? Ayokong mauwi sa isang paghihiwalay ang ganitong problema. Kaya’t minsan, pag napapagusapan ang mga kaarawaan at ilang bagay sa aming dalawa, hindi ko maalis sa akin ang pagbabangit tungkol sa aking edad. Malimit kong tanuning sya kung naiisip ba nya na sa susunod na taon ang kanyang kasintahan ay isang ganap na 30 anyos na. At sya ay isang 24 anyos na lalake lamang na nagsisimula pa lamang ang buhay. Sa tuwi-tuwina ang lagi nyang sagot “Wala akong pakealam!” Alam mo ba ang pinasok mo? “Oo.” Sana nga.

Para sa akin ang pagiging 30 anyos ay napakalaking bagay. Tunog matanda na talaga. Isipin mo nalang… Isang taon nalang at wala nako sa kalendaryo… O dios ko! Tulungan mo ko! Para yata akong hihimatayin nito… iniisip ko palang.

Ewan ko ba. Siguro sa edad kong ito ang dami-dami pa akong mga bagay na hindi pa nagagawa. Ang dami-dami ko pang pangarap na hindi matupad-tupad.

May kakilala akong mag asawa na mas matanda ang babae sa lalake. Ang mga magulang ko, na apat na taon ang tanda ng Nanay ko sa Tatay ko, hindi rin maiwasang tumingin sa ibang babae na mas bata. Ang Ate ko na masmatanda naman ng sampung taon sa asawa nya. Masaya naman sila. Ang Tiya ko naman na labing limang taon ang tanda sa Tiyo ko… Ayun... Sa awa ng dios naghiwalay at ang Tiyo ko may asawang mas bata naman sa kanya…

Ang edad ba may kinalaman kung ano ang mangyayari sa isang relasyon?

Siguro… sa ibang parte…

Kung hahayaan natin.

Dala narin siguro ng takot kaya’t ako’y nababagabag ng sitwasyon namin ni Jet. Oo alam kong mahal na mahal nya ako pero pano kung dumating nga ang pagkakataong iyon? Makapagtrabaho sya at makakilala ng ibang mga tao. Minsan naiisip ko nga, buti nalamang at kahit papaano ay nakakasabay ako sa mga gusto at hilig nya. Mga musikang pinapakinggan ay gusto ko rin, mga ilang bagay nagkakasundo kami. Kung hindi, siguro mahihirapan kaming magtagal sa aming relasyon.

Hindi naman natin matuturuan ang ating puso kung sino ang mamahalin. Hindi naman natin madidiktahang sa ganitong klaseng tao ka lang mapapamahal. Dahil minsan ang pagmamahal gugulatin ka nalang. Makikita mo nalang ang sarili mo umiibig sa isang taong hindi mo naman iniisip o inaasam na maging katuwang mo. Kahit ano pang edad nya… pero syempre nasa legal na edad naman ha!

Balik natin ang tanong ko, ang edad ba importante sa isang relasyon?

HINDI.

Pagmamahal, tiwala at respeto ang importante sa isang relasyon.

At yan ang dapat kong ilagay sa aking isipan. Mahalin, pagkatiwalaan at irespeto ang taong nagmamahal sa akin. Dahil yun ang nararapat. Imbis na mag-isip ng mag-isip ng kung ano-ano. Ang aking edad… Lahat naman tayo dadaan dyan. Ang importante tayo’y nagmamahal at minamahal. At may pinagkatandaan.

Wag lang paurong!

No comments: